Monday, October 20, 2014

ISANG KILO NG SHABU NASABAT SA CHECKPOINT

by Roxanne R. Cacayan, with reports and photos from PDEA ARMM


PHOTOS COUTESY OF PDEA ARMM



COTABATO CITY- Tatlo katao ang natimbog matapos mahulihan ng humigit kumulang isang kilong iligal droga habang nagsasagawa ng checkpoint ang pulisya sa may Purok Silangan, Sinsuat Avenue, Tamontaka sa lungsod kagabi.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga kinauukulan na may isang asul na 4BC2 elf truck ang nagdadala ng iligal na droga.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Tato Felmin, 35; ang asawa nito na si Alma Felmin, 27; at Fahad Guiapar, 19.

Ayon sa report, nagmula ang tatlo sa Northern Kabuntalan, Maguindanao at ibibiyahe ang iligal  na droga papuntang Cotabato City.

Nasabat umano sa kanila ang isang itim na slim bag na may nakasilid na isang malaking aluminum foil bag na naglalaman ng pinaniniwalaang Methamphetamine Hydrochloride o shabu.

Samantala, dinala na ang nasabat na droga sa PDEA ARMM Forensic Laboratory Office para sa eksminasyon at kustodiya nito.

Ang tatlong suspek naman ay kasalukuyang nakaditene sa PDEA ARMM Detention Facility habang inaasikaso na ang kasong isasampa sa mga ito. #END